Pumalo na sa 139 porsiyento ang itinaas ng mga kaso ng leptospirosis bunsod ng pagbaha na dala ng sunud-sunod na kalamidad na tumama sa bansa, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis ay umabot na 542 na naitala sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo. Ito ay mas mataas 139 porsiyento kumpara mga nakaraang linggo..
“While cases in the recent 2 weeks are relatively lower, continuous monitoring must be done as cases may still increase with late reports and due to the inclement weather and recent typhoons/tropical storms that entered the country, intensified by Habagat,” ayon sa DOH.
May kabuuang 3,325 kaso ng leptospirosis ang naitala ng departamento sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Agosto 19, 2023.
Ang Pambansang Punong Rehiyon, Rehiyon ng Ilocos, at Calabarzon ay nagpakita ng patuloy na pagtaas noong Hulyo 9 hanggang Agosto 19. Nasa 101 hanggang 441 na kaso ang naitala sa mga rehiyong ito mula Hulyo 23 hanggang Agosto 19.
Samantala, ang Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, at Davao Region ay nakapagtala ng lima hanggang 143 kaso sa nakalipas na apat na linggo.
Umabot na rin sa 359 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa bacterial disease ngayong taon, kung saan pumalo sa 10.8 porsiyento ang case fatality rate.
Ang leptospirosis ay sanhi ng bacteria na leptospira na nakukuha mula sa ihi ng mga kontaminadong hayop o maruming kapaligiran. Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, panginginig, conjunctival suffusion, sakit ng ulo, at jaundice.