Nagpakita sa unang pagkakataon sa publiko ang siklista na sinaktan at binunutan ng baril ng isang road rage driver sa isinagawang pagdinig ng Senado sa insidente ngayong Martes, Setyembre 5.
Naging pambungad ni Allan Bandiola, ang siklista na nakainitan ni Wilfredo Gonzales, 63-anyos na isang dating pulis, sa Welcome Rotonda, Quezon City noong Agosto 8, ay ang paghingi ng paumanhin kay Gonzales dahil sa ginawa niyang “pagtapik” sa kotse nito na naging mitsa ng kanilang alitan.
“Kasi iniisip ko na wala namang mawawala sa pagkatao kung magpapatawad ako ng taong nagkasala sa akin,” sinabi ni Bandiola sa Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay Bandiola, nagsimula silang magkainitan ni Gonzales nang pumasok ang kotse nito sa bicycle lane kaya naipit siya sa tabi ng kalsada at napilitang unahan ang sasakyan ng dating pulis. “Kung hindi ko tinapik ang kotse niya, either matumba ako at masagasaan ako o mapagsarhan ko ang mga pasahero,” paliwanag ng siklista.
Bagamat humingi rin ng paumanhin dahil sa perwisyong idinulot ng kaniyang maling asal, iginiit naman ni Gonzales na hindi ordinaryong “pagtapik” ang ginawa ni Bandiola sa kanyang kotse ngunit isang “pagpalo” na ikinainit ng kanyang ulo. Sinabi rin ni Gonzales na nagkaroon ng pipi ang kanyang kotse dahil dito.
Inakusahan din ni Gonzales si Bandiola na nagpakita ng “dirty finger” na lalo niyang ikinagalit.
Sa kabila ng kanilang nagkokontrahang salaysay, nag-sorry pa rin ang dalawa sa isa’t isa na pawang aminado na guilty sa silakbo ng damdamin sa kainitan ng gitgitan. Ayon kay Bandiola, pilit na lang niyang inintindi ang inasal ni Gonzales dahil bukod sa ito ay may edad na at mukhang sakitin pa. “Parang tatay kasi siya,” ani siklista.
Muling iginiit ng dalawa na sa himpilan ng pulisya pa lang ay nagkaayos na sila na tanggap naman ng mga senador.