Aalamin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro kung ano ang napag-usapan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping at kung may kaugnayan ba ito sa kasalukuyang sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ito, ayon sa kalihim, ay para malaman kung may dapat bang ikabahala sa pulong sa pagitan ng dating pangulo ng bansa at ng Chinese leader.
“Kailangan muna malaman natin kung anong pinag-usapan para mahusgahan natin kung cause [for] concern o hindi,” ani Teodoro.
Naniniwala ang kalihim na taglay ng dating Pangulo ang pangangalaga sa interes ng bansa kaugnay ng usapin sa WPS.
“Pero inaasahan natin, dating presidente ng Pilipinas, Presidente Duterte, inaasahan din natin na ang interes ng Pilipinas ay taglay niya,” pahayag ni Teodoro.
Sa naganap na pulong sa Diaoyutai state guest-house sa Beijing nitong Lunes, Hulyo 17, sinabi ni Xi na inaasahan niyang ipagpapatuloy ni dating Pangulong Duterte ang ahalagang papel nito sa pagpapanatili ng maayos na kooperasyon ng Pilipinas at China.
Samantala, sinabi naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes, Hulyo 18, na hindi lingid sa kanyang kaalaman ang biyahe ng dating Pangulo patungong China.
Sinabi rin ni Marcos na bukas siya sa bagong linya ng komunikasyon sa China sa gitna ng mga usapin sa South China Sea.
Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, tiwala siyang ipapaalam sa gobyerno ni Duterte ang mga detalye ng pakikipag-usap nito sa Pangulo ng China.
“If that is President PRRD then good. Hindi importante sa akin kung sino, kung ano, basta’t may makausap sila. Baka makatulong, eh,” sabi ni Marcos.
—Baronesa Reyes