Palalawigin ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng driver’s license nang isang taon, ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II sa isinagawang budget deliberation sa Kamara.
Ang pagpapalawig ng validity ng driver’s license nang isang taon ay inihayag ni Mendoza sa pagdinig ng 2024 budget ng Department of Transportation (DOTr) sa Kamara na inabot ng halos 12 oras kahapon.
Ang DL validity extension ay base sa rekomendasyon ni Agri party-list Rep. Wilbert Lee na nagpahayag ng pangamba sa magiging epekto ng inilabas na temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) noong Agosto 15, 2023, na nagpapatigil sa produksiyon ng driver’s license.
Ito ay base sa reklamo ng AllCard Inc., isang plastic card bidder na natalo sa contract bidding.
Tiniyak ni Mendoza sa mga mambabatas na agad niyang ipaparating kay DOTr Secretary Jaime Bautista ang kanilang rekomendasyon sa pagpapalawig ng bisa ng lisensiya na mag-e-expire sa mga susunod na buwan para agad itong maipatupad.