Hindi bababa sa 24 ang bilang ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nagpositibo sa random drug test na isinagawa sa iba’t ibang tanggapan ng PNP simula Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon.
Ayon kay P/Brig. Gen. Constancio Chinayog, director ng PNP Forensic Group, nasa 115,983 ang kabuuang bilang ng mga pulis sa buong bansa ang isinailalim na sa drug test sa kahalintulad na panahon.
“Yung drug testing natin sa ating personnel is a continuing activity by the FG, sa katunayan this year we already tested 115,983. Of this, meron tayong positive na 24,” pahayag ni Chinayog.
Kabilang sa mga nagpositibo ay ang dating hepe ng Mandaluyong City Police na si P/Col. Cesar Gerente na sinibak sa puwesto kamakailan.
Ang mga urine samples umano ng 24 na nagpositibo ay isinalang sa confirmatory test noong August 26 kung saan lumabas na positibo sila sa shabu o marijuana.
Ang mga ito ay nahaharap na sa kasong administratibo na posibleng ikatanggal nila sa serbisyo.
Sa ngayon, iniutos na ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda ang pagrepaso sa kaso ng mga pulis na nagpositibo sa mga naunang drug test na isinagawa ng PNP upang malaman kung ano ang status ng kanilang kaso at kung naalis na ba sila sa serbisyo .
Magpapatuloy din ang pagsasagawa ng drug testing ng PNP hanggang sa maisailalim lahat ng 225,000 pwersa nito at tuluyang malinis ang kanilang hanay.
Ulat ni Baronesa Reyes