Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) na hahabulin at papanagutin nito ang lahat ng kandidato para barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na sangkot sa maagang pangangampanya.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia, mag-uumpisa ang “crackdown” sa mga kandidatong mangangampanya nang maaga kapag natapos na ang paghahain ng kandidatura para sa barangay at Sangguinang Kabataan.
Matatandaang pinalawig ng COMELEC ang paghahain ng kandidatura para sa BSKE hanggang ngayong Lune, Setyembre 4, matapos na suspendihin ito dahil sa sama ng panahon.
“Hintayin niyo lang matapos kami sa filing ng candidacy. Iisa-isahin namin ang campaign materials na naglipana kahit sa private property,” ani Garcia sa media. “Yung mga may social media posts, tanggalin ninyo ‘yan. Yung mga may Tiktok, tanggalin ninyo ‘yan. Susulatan namin kayo and you have to remove the campaign materials within three days. Ang aming pakiusap, yung mga magkakalaban, sila ang mag-report. Bantayan na lang yan,” ayon pa sa COMELEC chairman.
Samantala, sinabi ni Garcia na inaasahan nilang aabot sa 1.5 milyon ang kabuuang bilang ng mga kakandidato para sa BSKE posts.
Nasa 1.18 milyon naman ang nakapagsumite na ng kanilng COC hanggang Sabado, Setyembre 2, ayon sa COMELEC.
Samantala, nakatakda ang pangangampanya para sa BSKE sa Oktubre 19 hanggang 28, 2023 habang ang araw ng halalan ay sa Oktubre 30.