Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagbatikos mula sa iba’t ibang sektor, tiniyak ng Malacanang na tuloy ang pagpapatupad ng price ceiling para sa mga produktong bigas bukas, Setyembre 5.
Sa anunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO), ito ay may kaugnayan Executive Order No. 39 base sa Republic Act 7581 o Price Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kamakailan na nagtakda ng presyo ng bigas sa P41 kada kilo ng regular milled rice at P45 kada kilo ng well-milled rice.
Narito ang mga karampatang multa at parusa na naghihintay sa mga lalabag sa naturang kautusan:
- Kulong sa hindi bababa sa limang taon o hindi rin hihigit sa 15 taon.
- Pagbayad ng multang hindi bababa sa P5,000 o hindi hihigit sa P2 milyon.
Naniniwala ang National Economic and Development Authority (NEDA) na hahatakin ng price ceiling pababa ang presyo ng bigas sa merkado dahil sa nakaambang parusa sa mga hoarders at price manipulators.
Binigyang diin ng NEDA na napapanahon na upang magpatupad ng price cap sa produktong bigas dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan sa buong bansa na pinalala pa ng epekto ng El Niño at walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“We are facing difficult times, and concerning the agriculture sector, the El Niño Southern Oscillation (ENSO) phenomenon is a major disruptor. The ENSO has intensified the Southwest Monsoon and is expected to result in below-normal rainfall towards the end of the year in many countries along the Pacific,” sabi ng NEDA.