Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson P/Col. Jean Fajardo na paiiralin ng pulisya ang maximum tolerance sa isasagawang mga kilos-protesta sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Lunes, Hulyo 24.
Dalawang permit to rally request na ang natanggap ng Quezon City Police District (QCPD) para sa naturang okasyon, ayon kay Fajardo.
“Maximum tolerance pa rin po ang i-implement po ng inyong Pambansang Pulisya,” ani Fajardo.
Ayon pa sa tagapagsalita ng PNP, magtatalaga rin sila ng mga pulis na magbabantay sa mga raliyista para tiyaking sa designated areas lamang gagawin ang kilos-protesta.
Sinabi rin ni Fajardo na aabot sa 25,000 tauhan ng PNP ang ipapakalat sa Metro Manila para sa SONA ni Pangulong Bongbong Marcos.
Matatandaang nitong Martes, Hulyo 18, nagpahayag ang progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na magkakasa ng mas malaking kilos-protesta ang kanilang grupo na lalahukan ng aabot sa 50 organisasyon.
“The SONA protest this year will be bigger compared to last year. Mas maraming galit. Mas marami ang naliwanagan. Kasama ‘yung mga kababayan natin na gustong i-register ‘yung protest doon sa mga polisiya ni Marcos,” pahayag ni BAYAN Secretary General Mong Palatino.
—Baronesa Reyes