Limang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Units (CAFGU) ang napatay habang isang sundalo at tatlong iba pa ang sugatan nang makasagupa nila ang mga rebeldeng komunista sa Quezon nitong Biyernes, Setyembre 1.
Sinabi sa ulat ng militar naganap ang bakbakan sa pagitan ng dalawang grupo sa Sitio Pagasa, Barangay Mapulot, Tagkawayan, dakong ala-7 ng umaga.
Nagpapatrolya umano ang mga puwersa ng gobyerno nang paulanan ng bala ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA). Napuruhan din ang ilang CAFGU members sa pagsabog ng mga improvised explosive device (IED) na itinanim umano ng mga NPA.
Sinabi ni Col. Dennis Cana, tagapagsalita ng AFP Southern Luzon Command (Solcom), patungo ang mga CAFGU members sa isang liblib na lugar dahil sa ulat na mayroong mga armadong kalalakihan ang umaaligid doon.
Nakasaad din sa ulat na tumanggal ang bakbakan ng halos 30 minuto bago dumating ang military reinforcement para tugisin ang mga tumakas na rebelde.
Nangyari ang pananambang isang araw matapos ideklara ni National Security Adviser Eduardo Ano na handa na ang militar sa pagpapatupad ng external defense mode dahil hindi na umano banta ang mga rebelde sa seguridad ng bansa.
“Bagamat may mga nasugatan at nagbuwis ng buhay para sa pagpapanatili ng kapayapaan, bigo pa rin ang Komunistang NPA na makapasok sa mga komunidad ng lalawigan ng Quezon,” ayon sa post ng 85th Infantry Battalion sa social media.