Kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang mabilis na pag-apruba sa budget ng Office of the Vice President (OVP) na tumagal lang ng halos 20 minuto sa isinagawang budget hearing sa Kamara.
“Noong 2022, nagwaldas ang OVP ng milyon-milyong halaga ng pera ng mamamayang Pilipino, paano natin mapapanegurong maayos na magagamit ng OVP ang ₱2.38 billion na kabuuang halaga ng appropriation sa ilalim ng National Expenditure Program 2024?” ani ACT Chairperson Vladimir Quetua.
Matatandaang matapos na magpresinta ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, nagmosyon agad si Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos na tapusin na ang pagdinig para sa panukalang 2024 budget ng OVP bilang “paggalang” ng Kamara sa naturang tanggapan.
Sumang-ayon ang mayorya maliban sa tatlong mambabatas na kasapi ng tinaguriang “Makabayan Bloc.”
Sa ilalim ng panukalang budget sa 2024, maglalaan ng P150 million confidential and intelligence fund (CIF) sa DepEd, samantalang nasa P500 milyon naman ang para sa OVP.
Ayon sa ACT, dapat tawagin ang pansin ng Committee on Appropriations dahil sa hindi pagsunod sa parliamentary procedures at sinadya umanong pagtatakip sa accountability issue sa paggamit sa pondo ng bayan.