Pinagsusumite ng Korte Suprema ang 12 ahensiya ng gobyerno hinggil sa rehabilitasyon at maaaring maging epekto ng reclamation project sa Manila Bay.
Ayon sa Korte Suprema, dapat idetalye ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management (DBM), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa kanilang isusumiteng mga ulat kung paano nila sinusukat ang polusyon sa Manila Bay.
Ito ay matapos sinuspinde ang ilang reclamation projects sa lugar, kabilang na ang mga isinusulong ng tinaguriang “Plastic King” at negosyanteng si William Gatchalian, dahil sa banta nito sa kalusugan at kapakanan ng mga residente, kalikasan at seguridad ng bansa.
Kabilang sa mga kumokontra sa Manila Bay reclamation project ay ang United States Embassy kung saan ang punong tanggapan nito ay matatagpuan sa Roxas Blvd.
Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naglabas ng suspension order ilang linggo na ang nakararaan.
Inoobliga rin ng Kataastaasng Hukuman ang mga naturang ahensiya na ilahad ang gagamiting mga estratehiya para sa rehabilitasyon ng Manila Bay dahil bahagi rin naman ito ng kanilang mandato.
Sa pahayag, ipinadedetalye rin sa 12 ahensiya ang kanilang mga future plan para sa Manila Bay sa susunod na limang (5) taon.
Bukod dito, nakatakda ring magsagawa ng argumento ang Korte Suprema hinggil sa kaso ng polusyon sa Manila Bay subalit wala pang petsa na itinatakda para rito.
Matatandaang naglabas ang Korte Suprema ng Mandamus noong 2008 ukol sa panunumbalik ng kalusugan at sigla ng Manila Bay na dapat ipursige ng mga nabanggit na ahensiya.