Naghahanda na ang gobyerno na gawing priyoridad ang external mode sa termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bunsod nang paghina ng kapasidad ng grupong komunista na maghasik ng kaguluhan sa bansa nitong mga nakaraang taon, ayon kay National Security Adviser Eduardo Año.
“Yes, that is our objective, and we are confident that we are going to attain that objective,” pahayag ni Año sa press conference sa Palasyo.
Aniya, kumpiyansa ang Pamahalaang Marcos na tuluyang matutuldukan na ang communist rebellion sa bansa bago matapos ang termino nito.
At dahil nabawasan na ang banta ng rebelyon, mas mapapabilis ang paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mga liblib na lugar sa bansa.
“At hindi lang ‘yun, we can now reorient the focus of the Armed Forces towards external defense. Because, right now, we have so many geopolitical issues and challenges, so we need the Armed Forces to now focus [its] eyes on external defense,” aniya.
Sinegundahan ni Undersecretary Ernesto Torres, na siya ring executive director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang pananaw ni Año na malapit nang matapos ang insureksiyon sa bansa at kaya, aniya, itong suportahan ng datos ng pamahalaan.
Noong 2017, nasa 89 New People’s Army (NPA) guerilla fronts ang natitira sa bansa, ani Torres. Ito’y matapos ma-neutralize ang 69 guerilla fronts sa pinagigting na kampanya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga rebeldeng komunista nitong nakaraang apat na taon.
(Photo courtesy of Armed Forces of the Philippines)