Nilinaw ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kaugnayan nito sa Natonal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos maghayag ng pagkabahala ang ilang grupo sa papel ng CBCP sa NTF-ELCAC.
Binigyang diin ng CBCP na ang pagpasok ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista sa kontrobersiyal na task force ay para magbigay ng “moral” at “ethical” na dulog sa pagresolba ng problema ng insureksiyon sa bansa.
Ani CBCP Presidet at Caloocan Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David, hindi naman talaga ang buong CBCP ang pumasok bilang isa private sector representative sa NTF-ELCAC upang resolbahin din ang usapin ukol sa red-tagging sa ilang cause-oriented groups at maging ilang organisasyon sa ilalim ng Simbahang Katolika.
Nilinaw rin ni Bishop David na ang tanging pumasok sa NTF-ELCAC ay ang Episcopal Commission on Public Affairs (CBCP-ECPA) ang siyang nagsisilbing kinatawan ng CBCP sa naturang task force.
“The said commission also has the intention of providing moral, ethical approaches to dealing with the problem of insurgency,” ani David sa isang pahayag sa media.
Samantala, sinabi naman ng alternate ni Evangelista sa NTF-ELCAC at tagapasalita ng CBCP na si Fr. Jerome Secillano, na hindi bibitawan ng Simbahan ang tungkulin nito sa pagtataguyod sa karapatang pantao at pagprotekta sa buhay ng tao.
“Membership in [NTF-]Elcac doesn’t mean being co-opted by the government. It means having the proper forum and mandate to articulate church concerns and issues affecting the people,” ani Secillano.