Hindi makatatanggap ang pensiyon at iba pang benepisyo ang 18 mataas na opisyal ng pulisya na napatunayang sangkot sa ilegal na droga, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief P/Gen. Benjamin Acorda nang humarap ito sa House Appropriations Committee, noong Huwebes, Agosto 31.
Ayon pa sa hepe ng PNP, Hulyo 25 pa nang ituring sibak na sa aktibong serbisyo ang naturang mga pulis.
Matatandaang naghain ng courtesy resignation ang maraming opisyal ng PNP nang mag-anunsiyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa State-of-the Nation-Address (SONA) nito na tatanggapin niya ang pagbibitiw ng “unscrupulous law enforcers and others involved in the highly nefarious drug trade.”
Nauna ring sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na maaaring maghain sila ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga tauhan ng pulisya na sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.