Magkakabisa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF) Act, sa Setyembre 12, 2023, ayon sa Bureau of Treasury (BTr) noong Martes, Agosto 30.
Inilabas ang MIF-IRR noong Agosto 28, ayon pa sa ahensiya.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno, ganap na magkakabisa ang naturang IRR 15 araw matapos mailathala sa Philippine Gazette ang buong nilalaman nito.
Kumpiyansa si Diokno na matutulungan ng MIF ang gobyernong mabawasan ang pagsandal nito sa foreign funding assistance para sa mahahalagang proyekto nito at mapabuti ang kalagayang pampananalapi ng bansa.
“The MIF will serve as a crucial financing mechanism to widen fiscal space, ease the burden on local funds, and reduce reliance on official development assistance [ODA] in funding big-ticket projects such as those specified in the recently approved Infrastructure Flagship Project [IFP] list,” ani Diokno.
Hulyo 2023 nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang MIF para maging batas sa kabila ng mga pagbatikos ng iba’t ibang sektor sa naturang pondo.
Isinabatas kasi ang MIF sa panahong hindi pa lubusang nakababangon ang bansa mula sa pandemya na nagpalubog sa utang ng bansa.