Ipinasasara ng Commission on Audit (COA) ang ilang bank accounts ng Department of Education (DepEd) na naglalaman ng kabuuang ₱362.8 milyon at ipinababalik ang naturang halaga sa National Treasury.
Sa 2022 COA audit report, sinabi nitong “unauthorized, unnecessary and dormant” ang nasabing mga bank account, kung saan nabibilang ang anito’y “collections and receipts from various sources still retained in the said unauthorized current accounts as standby funds and kept available at their disposal.”
Napag-alaman sa pagsusuri ng state auditors na ang naturang mga “unauthorized” bank accounts ay nasa pamamahala ng DepEd secretary, DepEd National Capital Region, at limang division office sa Quezon City, Caloocan, Manila at Pasig.
Ayon sa state auditors, maaaring magamit sa mali o sa ibang bagay ang naturang pera.
“This exposes the funds to the risk of misuse or misappropriation of funds that could possibly be used to augment the financial requirements of unprogrammed activities or settlement of valid obligations,” paliwanag ng COA sa naturang audit report.
Nakita rin sa pagsusuri ng COA na ginagamit ang naturang mga bank account para sa payroll, at para sa iba’t ibang receipts at collections ng ahensiya.
Pinuna rin ng COA ang perang nakolekta ng Ilocos Norte school division office, na nakadeposito sa Philippine National Bank (PNB) na isang pribadong bangko na ngayon, at walang pahintulot ito mula sa Bureau of Treasury.
Samantala, nasa halos ₱28 milyon naman ang bank account na minimintina ng school division offices sa Bulacan, Palawan, Bohol, Baguio at Pagadian based sa datos ng kanilang koleksiyon, resibo, at maging ang sobrang pondo na dapat ay ibinabalik sa National Treasury.