Bumaha ng pakikiramay at pagpupugay, hindi lamang mula sa mga kasamahan sa media kundi maging sa hanay ng matataas na opisyal ng gobyerno sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa yumaong mamamahayag na si Miguel “Mike” Enriquez, na pumanaw kahapon, Agosto 29, sa edad na 71.
Inihayag ni Pangulong Marcos ang kaniyang pakikiramay sa mga naulila ng beteranong TV at radio personality sa kaniyang official “X” (Twitter) account.
“We are saddened by news of the passing of veteran anchor Mike Enriquez, a pillar in our broadcasting industry. He dedicated his life to delivering unbiased news to the Filipino people. Our heartfelt thoughts are with his family and loved ones during this time,” anang Punong Ehekutibo sa kanyang “X” account.
“My prayers go out to his family in this difficult time. I hope that they know that he will never be replaced, and will never be forgotten,” ayon naman kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
“Sa pamamagitan ng kanyang mga programa, pinahiram ni Sir Mike ang kanyang boses sa hinaing ng mga kababayan nating hindi naririnig o nakikita,” ayon naman kay Senate Minority Floor Leader Risa Hontiveros.
Maging si Communications Secretary Cheloy Garafil ay nagpaabot din ng pakikiramay sa mga naulila ng isa sa mga haligi ng Philippine broadcasting.
“Tayo ay nakikiramay sa pamilya at mga kaanak na naiwan ng ating kaibigan sa media na si Mike Enriquez,” ani Garafil na isang dating mamamahayag din.
Samantala, naging broadcaster nang mahigit 50 taon, nakilala si Enriquez bilang isa sa mga anchors ng “Saksi,” at “24 Oras.”
Nagkaroon din siya ng regular na programa sa radyo na “Super Radyo DZBB” at naging host ng crime documentary show na “Imbestigador,” na naging huling proyekto ng mamamahayag bago tuluyang magretiro.
Tumatak sa manonood ang kaniyang iconic closing spiel sa naturang programa na “Hindi namin kayo tatantanan!”
Natatandaan din si Mike Enriquez sa pagbigkas ng “excuse mo po!” tuwing siya’y nauubo habang naghahatid ng balita sa radyo.
Naunang nagpaskil ang kasamahan ni Enriquez sa GMA na si Arnold Clavio ng larawan ng may sinding kandilang may itim na background sa kaniyang Instagram account na sinundan ng iba pang news anchors ng Kapuso Network na sina Nelson Canlas, Oscar Oida, Shaira Diaz, Kathy San Gabriel at Connie Sison, na may kasama pang “crying” o “praying” emojis bilang pagsaludo sa yumaong haligi ng malayang pamamamahayag sa bansa.
Samantala, sa dulo ng broadcast ng 24 Oras, si Mel Tiangco ang nag-anunsiyo ng malungkot na balita ng pagpanaw ng beteranong broadcaster.