Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Food Logistics Action Agenda ng Department of Trade and Industry (DTI) na magpapabilis ng sistema sa paghahatid ng pagkain sa merkado kasabay ng pagpapababa ng gastusin sa transportasyon at iba pang bagay na may kinalaman sa food delivery chain.
Inaprubahan ng Pangulong ang programa na tatagal ng tatlong taon sa ginawang pagpupulong sa Malacanang kasama si DTI Secretary Alfredo Pascual, Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Department of Information and Communications Technology (DICT) at Presidential Adviser on Investment and Economic Development Secretary Frederick Go, at Department of Agriculture (DA) Undersecretary Domingo Panganiban, at Department of Finance (DOF) Undersecretary Zeno Ronald Abenoja.
Ang pagbalangkas ng 3-year food logistics agenda ang isa sa mga direktiba ng Pangulo sa ika-8 pagpupulong ng gabinete noong Setyembre ng nakaraang taon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang palakasin ang food chain industry lalo na ang farm-to-market roads.
Kabilang sa action plan ng Malacanang ay siguruhin na may sapat na supply at abot-kayang presyo ang mga pagkain para sa lahat ng mga Pilipino.
Ang Food Logistics Action Agenda ay may anim na istratehiya: Paigtingin ang sistema ng pamamahagi ng pagkain sa bansa, bawasan ang gastusin sa transportasyon, at pagbuhos ng karagdagang puhunan sa mga imprastraktura at imbakan ng pagkain.
Puntirya rin ng programa ang pagsugpo sa hoarding, smuggling ng mga basic food items kasabay ng paghihigpit sa monitoring ng mga imbakan ng pagkain.
(Photo courtesy of Presidential Communications Office)