Ayon sa ulat ni House Deputy Minority Leader at kinatawan ng ACT Teachers party-list na si Rep. France Castro, kinakailangan umano ng Office of the Vice President (OVP) ang P125 milyong Confidential fund nito sa huling 19 araw ng 2022.
Ayon pa kay Castro, ang pahayag niya ay base sa dokumento mula sa Department of Budget and Management (DBM), noong ika-13 ng Disyembre ay inilabas ang SARO-BMB-C-22-0012004 para sa OVP, na nagkakahalaga ng P221,424,000 para sa Financial Assistance/Subsidy at Confidential Fund, na inaprubahan ng Office of the President noong ika-28 ng Nobyembre, 2022.
Nakasaad din sa ulat ang impormasyon mula sa COA na ang nasabing pondo ay kinabibilangan ng P125 milyon Confidential Fund at P96,424,000 para sa Medical Assistance.
Pahayag naman ng Statement of Appropriations, Allotments, Obligations, Disbursements, at Balances (SAAODB) hanggang sa ika-31 ng Disyembre, 2022, iniulat ng OVP na umabot na sa P155 milyon ang mga obligasyon at paglabas ng pondo, na may natitirang P66,424,000 na hindi pa na-oobliga.
“Now, in the OVP’s SAAODB as of the Quarter Ending June 30, 2023, it reported this same amount of P66,424,000 under Contingent Fund: Financial Assistance/Subsidy-Others. This implies that the whole P125,000,000 in Confidential Funds was already spent by Dec. 31, 2022, along with P30,000,000 of the Financial Assistance, for a total of P155,000,000,” saad ni Castro.
“So in short, the OVP spent the whole P125 million Confidential Fund given to her office in a span of just 19 days, from December 13 to December 31, 2022. This translates to P6,578,947.37 or almost P7 million per day,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon sa mga alituntunin, ipinaliwanag ni Castro na ang Confidential Fund ay ginagamit para sa mga aktibidad na may kinalaman sa pagmamanman gaya ng pagbili ng impormasyon, pag-upa ng mga sasakyan at safe house, pagbibigay ng reward sa mga mahahalagang tao, at iba pang mga gawain na naglalayong mailantad ang mga ilegal na aktibidad na banta hindi lang sa naturang tanggapan ngunit maging sa buong bansa.
“Nagtataka kami kung paano mauubos ang ganoon kalaking pera para sa ganyang gawain sa napakaikling panahon,” pahayag ni Castro habang iginigiit na sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act walang inilaang Confidential Fund para sa OVP.
“Sana ay personal na ipaliwanag ito ni VP Duterte sa budget hearing ng OVP sa Miyerkules,” dagdag pa ni Castro.