Nag-issue na ng show cause order (SCO) si Land Transportation Office (LTO) chief Atty. Vigor Mendoza laban sa motoristang si Wilfredo Mendoza, isang dating pulis na nagkasa ng baril at nanakit sa isang siklista noong Agosto 8 sa Quezon City.
Sinabi ni Mendoza na inaatasan nila si Gonzales, 61-anyos, na humarap sa LTO investigators sa Huwebes ng hapon, Agosto 31. Inobliga rin siya na maghanda ng sinumpaang salaysay kung saan nakasaad bakit hindi siya dapat papanagutin sa apat na paglabag.
Kabilang na rito ang Disregarding Traffic Sign (sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01); Obstruction of Traffic, Reckless Driving, at Improper Person to Operate a Vehicle, sa ilalim ng Republic Act 4136.
Sinabi ni Mendoza na sakaling mabigo si Gonzales na maisumite ang kaniyang sinumpaang salaysay at humarap ay agad na reresolbahin ng LTO ang kasong administratibong isinampa laban sa kaniya base sa mga dokumentong nakalap at testimonya ng mga testigo.
“Natanggap na ni Mr Gonzales ang Show Cause Order at inaasahan natin ang kanyang kooperasyon tungkol dito. Makakaasa ang taumbayan ng patas at mabilis na aksyon ng inyong LTO tungkol dito,” ayon kay Mendoza.
Nitong Lunes, Agosto 28, naglabas ang LTO ng 90-day preventive suspension sa lisensiya ni Gonzales habang nakabinibin ang resulta ng imbestigasyon upang tukuyin kung dapat ba siyang alisan ng pribelehiyo para magmaneho ng sasakyan.