Ipinanukala ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pagbabalik ng pito at batuta sa mga pulis bilang standard patrol equipment upang maiwasan ang pagbunot at pagpapaputok ng baril tuwing may police operation.
Sa isinagawang pagdinig sa Kamara hinggil sa pagkamatay ni Jomboy Baltazar, na umano’y bitkima ng mistaken identity, ngayong Martes, Agosto 29, isinulong ni Dela Rosa ang pagbabalik ng pito at batuta para sa mga pulis para hindi agad bumubunot at nagpapaputok ang mga ito tuwing may simpleng kaguluhan.
“Wala kayong pito, wala kayong batuta. Ang meron lang baril. So kaya nga siguro diretsong gumagamit ng baril dahil walang ibang option na ginagawa ang kapulisan kundi diretsong baril ang gamit,” pahayag ni Dela Rosa, na dating nagsilbi bilang hepe ng PNP noong termino ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Ang kawalan ng batuta at pito, na itinuturing ni Dela Rosa bilang non-lethal weapon, ang madalas na nagiging puno’t dulo ng walang-saysay na pagpatay sa mga hindi armadong suspek dahil kadalasan ay nag-o-overreact ang mga pulis na agad na bumubunot ng baril at nagpapaputok.
Pinaalalahanan ni Dela Rosa si Philippine National Police (PNP) chief General Benjamin Acorda na hindi na kailangan ng karagdagang budget para sa pagbili ng batuta at pito dahil maliit lamang ang halaga ng mga ito.
At kung hindi nila type ang tradisyunal na batuta, sinabi ng senador na maaari namang bumili ng mas modernong night stick na hindi lamang mas kumbiniyenteng gamitin dahil ito ay retractable subalit magaan din bitbitin.