Hindi panghahamon sa People’s Republic of China ang isinasagawang military exercises sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos at Canada, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr.
Ito ang inihayag ni Brawner matapos na magsabi ang China ang may balak na magsagawa ng kahalintulad na aktibidad sa karagatang saklaw ng West Philippine Sea (WPS).
“The coalition that we are forming and the joint exercises that we are conducting are not addressed toward one specific country,” anang AFP chief sa panayam sa kaniya ng media, kaalinsabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani sa Libingan ng mga Bayani noong Lunes, Agosto 28.
Paliwanag pa ni Brawner, ang nagaganap na serye ng joint military exercises ay bahagi lamang ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) ng Estados Unidos at Pilipinas.
Bahagi rin ito ng umiiral na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na dating Visiting Forces Agreement (VFA) na may layuning palakasin ang puwersa ng Pilipinas laban sa internal at external security threats.
Bukod dito, batay rin sa MDT at EDCA, may kasunduang ipagtanggol ng dalawang bansa ang isa’t isa kung kakailanganin.
Samantala, nauna nang nagsagawa ng joint military exercises ang tropa ng AFP at Australia, katuwang US forces, nitong unang bahagi ng buwan, kung saan tampok ang bilateral amphibious warfare exercise na tinaguriang “Alon” na ginanap sa San Antonio, Zambales.
Nasa 2,000 pinagsamang tropa ng tatlong bansa ang nakibahagi sa naturang pagsasanay.