Pinagpapaliwanag ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro si Vice President Sara Duterte kung saan nanggaling at napunta ang P125 million confidential funds na, base sa report ng Commisson on Audit (COA), ay inilaan sa Office of the Vice President (OVP) nitong nakaraang taon.
Nagbanta rin sa Castro na maghahain siya ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sakaling mabigo itong ipaliwanag kung ano ang kinahinatnan ng P125 million confidential funds ng kanyang tanggapan.
Sa isinagawang briefing sa Proposed FY 2024 Budget ng Commission on Audit, sinabi ni Castro na hindi isinama ng Office of the Vice President (OVP) ang P125 million confidential funds sa General Appropriations Act FY 2022 subalit lumitaw sa annual audit report ng Commission on Audit (COA) at National Expenditure Program FY 2024 na gumastos ang OVP ng P125 milyong halaga ng confidential funds.
Aniya, ang tanging naging tugon sa kanyang pagbubusisi ng COA ay nasa review process ng pa lamang ang ahensiya sa kinukuwestiyung pondo.
Samantala, binalewala ni Duterte ang isyu na ipinupukol sa kanya ni Castro. Bagamat hindi niya diretsahang sinagot ang alegasyon ng party-list representative, nagpahayag naman si Duterte na handa siyang sagutin ang ano mang investigation ng COA tungkol sa OVP confidential funds base sa kahilingan ni Castro.
“We welcome the probe she recommended for the Commission on Audit (COA) to do on the 2022 OVP CF,” pahayag ni Duterte.
Subalit ayon sa Ikalawang Pangulo, nahahalata na rin niya na tila sunud-sunod na ang pagtatangka ni Castro na gibain ang integridad ng kanyang tanggapan.
“All she did was wildly and masterfully arrange some allegations against me and the OVP, which will be answered once the probe is done and during the budget hearing,” aniya.
“Meanwhile, I hope she finds gratification and great joy over the thought of my impeachment from office. Enjoy,” giit ni Duterte.