(Photo courtesy of MPD)

Patay ang isang 24-anyos na si Juanito Baer Palisoc, residente ng Bldg. 16, Permanent Housing, sa Barangay 128, sa Balut, Tondo, Maynila, matapos na paulanan ng bala sa sarili nitong tahahan.

Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police, nakarinig ng anim na sunud-sunod na putok ang mga kapitbahay ng biktima, pasado alas-singko, kaninang madaling-araw.

Batay sa CCTV footage na nakalap ng pulisya, nakitang nakikipaghabulan pa ang mga suspek at ang biktima bago naganap ang krimen. Nakita rin sa kuha ng CCTV na may ilang kalalakihang nakitang bitbit-bitbit ang katawan ng biktima palabas ng gusali subalit walang masakyan kung kaya muli itong ibinalik sa kaniyang tahanan.

Hinihinalang onsehan sa droga ang motibo sa naturang krimen. Samantala, bagaman nakilala na ang mga suspek, hindi naman naglabas ng iba pang impormasyon ang pulisya hinggil sa mga ito, habang hindi pa nasasakote ang mga salarin.

Patuloy pa rin ang pagtugis ng pulisya sa mga suspek.

—Ellen Mirasol