Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Jr. ang bagong batas na maglalaan ng karagdagang benepisyo para sa mga beterano na may kapansanan o karamdaman na kanilang tinamo habang nasa serbisyo.
Pakay ng Republic Act 11958 ay upang makapagbigay ng buwanang disability pension sa mga beterano na nagkaroon ng karamdaman o kaya’y nagtamo ng sugat habang ipinatutupad ang kaniyang sinumpaang tungkulin.
Sa ilalim ng naturang batas, tataas ang disability benefit ng isang beterano sa P4,500 mula sa kasalukuyang P1,000. Dahil dito, ang mga beteranong nakatatanggap ng pinakamataas na disability benefit na P1,700 ay makakakuha na ng hanggang P10,000 base sa nakasaad sa bagong batas.
Samanatala, ang buwanang pensiyon ng maybahay ng isang beterano o kanyang menor de edad na anak (hindi pa kasal) ay makatatanggap ng P1,000 mula sa kasalukuyang P500.
Bukod dito, dalawa pang batas ang nilagdaan din ng Pangulo at ang mga ito ay kinabibilangan ng Republic Act. No. 11960 o “An Act Institutionalizing the One Town, One Product (OTOP) Philippines Program” o mas kilala bilang OTOP Philippines Act, at Republic Act 11961 o “‘An Act Strengthening the Conservation and Protection of Philippine Cultural Heritage Through Cultural Mapping and Enhanced Cultural Heritage Education Program” na tinatawag na nagaamiyenda sa National Cultural Heritage Act of 2009.
Sinabi ng Palasyo na ipinadala na ang kopya ng tatlong batas sa tanggapan nina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang ipabatid na pirmado na ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Agosto 24 base sa approval ni Marcos.