Kusang sumuko si dating US President at business tycoon na si Donald J. Trump sa Fulton County Jail sa Atlanta, Georgia, kaugnay ng kinahaharap na kaso ng racketeering at conspiracy.
Si Trump ang kauna-unahang pangulo, sa kasaysayan ng pulitika sa Amerika, na naharap sa patung-patong na kaso.
Matatandaang kinasuhan si Trump at 18 iba pa hinggil sa pagtatangkang baguhin ang resulta ng eleksiyon noong 2020 sa Georgia.
Ayon sa mga ulat, dumating si Trump sa Fulton County Jail para sa proseso ng “booking” at pagkuha ng mugshot, subalit pinalaya din kinalaunan matapos maghain ng piyansa na nagkakahalaga ng $200,000.
Apat na beses nang nasakdal ang 77-anyos na bilyonaryo ngayong taon, mula Abril, sa iba’t ibang korte dahil sa patung-patong na mga kaso: sa New York dahil sa panunuhol sa isang porn star; sa Florida para naman sa mishandling ng top secret government documents; at sa Washington sa paratang ng pakikipagsabwatan para mabago ang resulta ng 2020 presidential elections, kung saan natalo siya kay Joe Biden, na isang Democrat.
Nauna nang naglabas ng ultimatum si Fulton County District Attorney Fani Willis, na siyang naghain ng racketeering case, upang sumuko kay Trump at 18 kasamahan nito sa batas.
Labindalawa (12) na, kasama si Trump, ang nagpakita.
Sumuko si dating White House chief of staff Mark Meadows noong Huwebes, subalit pinalaya rin sa piyansang $100,000 samantalang na-book naman at pinakawalan din noong Miyerkules si dating New York mayor Rudy Giuliani, na nagsilbing personal na abogado ni Trump nang siya ay Pangulo pa at siya ring nagpaypay ng isyu ng diumano’y pagkakapanalo ni Trump sa halalang 2020.