Nakakita ng sapat na dahilan para tuluyang kasuhan ng graft sina dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM procurement group director at ngayo’y Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, at iba pang mga opisyal dahil sa pagkakasangkot sa umano’y maanomalyang pagbili ng COVID-19 test kits mula Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa desisyong nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires noong Agosto 14, 2023 at isinapubliko lamang ngayong Huwebes, Agosto 24, sinabi nitong dapat na kasuhan ng tatlong kaso ng graft sina Lao, Liong, at PS-DBM Procurement Management Officer Paul Jasper de Guzman; at Pharmally executives na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Huang Tzu Yen, at Justine Garado.
Isang kaso ng graft naman ang ipinahahain laban kina ex-PS-DBM executive Christine Marie Suntay, Webster Laureñana, August Ylagan, at Jasonmer Uayan; at empleyado ng Pharmally na si Krizle Mago.
Bukod sa graft, sinabi rin ng Ombudsman na “guilty” sina Lao, Liong, De Guzman, Laureñana, Ylagan, Uayan, at Suntay sa kasong adminstratibo kung kaya kailangan silang sibakin sa puwesto, alisan ng retirement benefits, at huwag nang pahintulutang makapagtrabaho sa alinmang sangay ng gobyerno..
Matatandaang sinampahan sila ng kasong administratibo dahil sa “grave misconduct, gross neglect of duty, serious dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service” dahil sa paglagda nila sa tatlong kasunduan sa Pharmally, isang kumpanyang “kumukubra ng bilyun-bilyong komisyon” sa bawat transaksiyong ipinasok nito sa gobyerno.
Ang nabanggit na tatlong transaksiyon na naganap noong 2020 ay para sa pinagsamang 51,400 units ng RT-PCR test kits, na nagkakahalaga ₱4.165 bilyon sa kabuuan.
“Respondents’ concerted and conspirational acts enabled the award of a multibillion worth of contract to Pharmally notwithstanding the existence of other corporations that are financially and technically capable to supply and deliver test kits at an equal or lower prices,” ayon sa isang bahagi ng desisyon ng Ombudsman.
Dagdag pa ng Ombudsman, ang pagbibigay ng kontrata sa Pharmally kahit wala itong kapasidad na pinansiyal at teknikal, bukod pa sa wala itong sapat na karanasan sa pagnenegosyo ay maituturing na “willful intent” ng mga kinasuhan na labagin ang Government Procurement Reform Act at ang mga panuntunan ng Government Procurement Policy Board.