Inanunsiyo ng liderato ng Commission on Higher Education (CHED) na mabibiyayaan ng 50 porsiyento ang mga guro at estudyante na manonood ng FIBA World Cup opening games na gaganapin sa Philippine Arena sa Agosto 25.
Sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera makakukuha rin ng 50 percent discount ang mga guro at estudyante na nais masaksihan ang world-class basketball action na gaganapin sa Araneta Coliseum, Philippine Arena at SM MoA Arena simula Agosto 26 hanggang Setyembre 10.
“Yan ay nakuha natin sa pakikpagusap sa mga organizers,” ayon kay de Vera.
“Para ang ating mga guro at estudyante ay makakita ng world-class event. Hindi every nakakapag-host tayo ng ganito. Once-in-a-lifetime lang ito kaya dapat makapanood tayo,” aniya.
Binigyang diin ng CHED official na ang 50 percent discount ay maaaring gamitin sa mga piling game schedules lamang at maaari silang pumili mula sa premium upper box, regular upper box, and general admission section.
Inoobliga ang mga manonood na ipakita ang kanilang school identification card o kaya’y Professional Regulatory Commission (PRC) ID sa kanilang pagtungo sa mga ticket outlets.