Halos 328 porsiyento ang umano’y patong sa halaga ng pondong laan sa para sa ilang proyekto ng gobyerno, ayon kay dating Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Inihayag ito ni Lacson sa gitna ng pagtalakay ng Kongreso sa panukalang ₱5.7 trilyong budget ng pamahalaan sa 2024.
“Forty-five projects in the 2023 GAA [General Appropriations Act] and 26 items in the 2024 NEP [National Expenditure Program] have double, triple, quadruple and quintuple appropriations, thus, excessively, unreasonably, unnecessarily and unconscionably bloating fund allocations in the range of 109 porsiyento to 328 posiyento,” pagbubunyag ni Lacson sa kaniyang post sa social media platform na X (dating Twitter).
Daing ng dating senador, parang walang opisyal ng gobyerno ang gustong magsalita hinggil dito.
Samantala, hinimok ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III si Lacson na maghain ng ebidensya para patunayan ang kaniyang alegasyon.
Aniya, dapat na ituro ni Lacson ang “entry” sa GAA at NEP ang mga “bloated” entries o may “patong” ang budget na inilaan sa partikular na proyekto ng gobyerno.
Ibinalik ni Lacson ang hamon ni Pimentel at sinabi nitong nabasa niya mismo ang mga dokumento hinggil sa bloated budget.
Ani Lacson, nakakalat sa iba’t ibang lugar sa papel ang mga proyektong may parehong deskripsiyon at lokasyon subalit binigyan ng hiwalay na pondo.