Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa publiko, partikular sa mga residente ng Metro Manila, na mag-ingat sa ipinuslit na galunggong na naglipana ngayon sa pamilihan.
Ayon sa ahensiya, ang kahina-hinalang “GG,” pinaikling tawag sa galunggong, ay nanggaling sa bodega sa Navotas City kung saan nakakumpiska ang mga awtoridad ng expired na karne at mga fish products.
Nauna nang nagsagawa ang DA Office of the Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement, kasama ang Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard (PCG), ng joint anti-smuggling operation sa Bangkulasi, Navotas City, noong Agosto 18, kung saan nasabat ang expired na karne ng manok, baka at frozen fish na nakaimbak sa bodega ng Philstorage Corporation.
Nasa kabuuang 364,000 kilo ng agri-fishery ang nakumpiska ng mga awtoridad, na nagkakahalaga ng ₱86.8 milyon.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkabahala si Dennis Solomon, hepe ng DA Inspectorate and Enforcement, na baka nakalusot ang ilang kahon ng hinihinalang smuggled na mga produkto sa mga pamilihan ng Metro Manila at mga kalapit lalawigan.
Matapos ang isinagawang pagsalakay sa mga bodega sa Navotas, 13 sa 15 bodega ang isinara ng ahensiya.
Binibigyan naman ng DA ang may-ari ng mga bodega ng 15 araw para patunayan na hindi smuggled ang kanilang iniimbak na mga produkto.