Determinado ang Commission on Elections (Comelec) na tuldukan ang talamak ng vote buying na nangyayari tuwing panahon ng halalan sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na ipapatupad nila ang tinaguriang “money ban” kung saan sino mang indibidwal na matitiyempuhan sa Comelec/Police checkpoint na may bitbit o mag-withdraw ng P500,000 cash o higit pa ay isasalang sa imbestigasyon upang matiyak na hindi magagamit ang salapi sa vote-buying kapag malapit na ang araw ng halalan.
“Hindi naman pinipigilan ang Comelec na mag-presume so ano mang bagay na sa tingin namin ay gagamitin sa vote buying,” pahayag ni Garcia sa panayam ng DZBB.
Ginawa ni Garcia bilang halimbawa ang kapag nahulihan na may bitbit ang isang indibidwal ng indelible ink o kaya’y balota na blangko na walang kaukulang awtorisasyon sa Comelec ay agad nilang paghihinalaan na ito ay posibleng sangkot sa dayaan sa eleksiyon.
“Hindi naman masama mag-presume basta ito ay susundan mo ng ebidensiya at salaysay ng mga testigo,” giit ni Garcia.
Ayon sa opisyal, ilang beses na rin silang nakipagpulong sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Anti-Money Laundering Council (AMLAC) upang hingin ang kanilang tulong sa pagpapatupad ng “money ban” na posibleng simulan nila sa nalalapit ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Mahigpit na monitoring ang gagawin sa mga transaksiyon sa iba’t ibang uri ng “e-wallet” upang malaman kung ang isang personalidad na sangkot sa pamimili ng boto ay namahagi ng salapi sa malaking bilang ng botante.
Ipinaliwanag ni Garcia na ito ay iba sa ipinatupad na “money ban” noong 2013 elections kung saan nilimitahan sa P100,000 ang maximum cash withdrawal sa bangko.
“Malalaman namin na hindi ka naman dating nagpapadala ng ganyang halaga – P1,000 o kaya’y P2,000 – sa maraming tao, kaya iimbestigahan ka namin sa vote-buying,” dagdag ni Garcia. “You have to defend yourself in the court of law.”