Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring magsagawa ng special election sa ikatlong distrito ng Negros Oriental para punan ang nabakanteng posisyon ni Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na kinasuhan ng murder at tinawag ng terorista dahil sa pagkakapaslang kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo.
“We need the consent or the directive from Congress kasi ‘yung budget para sa isang special election ay kinukuha sa budget ng Commission on Elections at mukha pong hindi na kakayanin,” ani Commission on Elections Chair George Garcia, sa isang interview sa kaniya ng programang The Source ng CNN Philippines.
Ani Garcia, kung siya ang tatanungin, kakayanin namang isagawa ang special election sa unang kuwarto ng 2024.
Gayonman, binigyang-diin ng Comelec chairman na tanging ang Kamara lamang ang may awtoridad na magpasya kung magpapatawag ng special election.
Matatandaan na pinatalsik si Teves sa Kamara de Representantes bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Negros Oriental bunsod ng matagal nitong pagliban sa mga sesyon at umano’y mga kahihiyan na idinulot nito sa hanay ng mga mambabatas nang maglabas ng video habang nagsasayaw suot lamang ang boxer shorts at kamiseta.
Ikinadismaya rin ng kanyang mga kasama sa Kamara sa pagtanggi nitong bumalik sa bansa upang harapin ang mga alegasyon na ipinupukol sa kanya, partikular na ang kaso ng pagpatay kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo noong Marso 4, 2023.
Samantala, kakailanganin naman ng hindi bababa sa ₱40 milyon ang kakailanganing badyet para sa naturang special election.