Matapos na hindi sumipot sa unang imbitasyon ng Senado, inaprubahan ng mga senador ang pag- isyu ng subpoena sa mag-asawang Pablo at France Ruiz, at dalawang anak nito na itinuturong nang-abuso sa kanilang kasambahay na si Elvie Vergara na ikinabulag nito.
Nauna nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Justice and Human Rights para busisiin ang kaso ni Vergara na tatlong taon umanong dumanas ng pisikal at emosyonal na pang-aabuso mula sa pamilya Ruiz, buhat nang magtrabaho ito bilang kasambahay sa kanila noong 2020.
Dahil hindi nakadalo ang pamilya Ruiz sa pagdinig, idinaan nito sa sulat ang dahilan ng hindi pagsipot sa imbestigasyon kung saan ang idinahilan ng mga ito ay masama ang kanilang pakiramdam na ikinairita ni Sen. Jinggoy Estrada.
“Excuse letter? Ano ito eskwelahan?” ani Estrada sa hindi pagdalo ng mga akusado sa imbestigasyon ng Senado.
Dahil dito, inihain ni Estrada ang mosyon na ipa-subpoena ang pamilya Ruiz para puwersahing humarap sa pagdinig ng Senado, bagay na hindi naman tinutulan ng mga miyembro ng komite, partikular ang committee chairman si Sen. Francis Tolentino.