Dapat na dagdagan ng gobyerno ang pondo ng National Food Authority (NFA) para makabili ito ng mas maraming palay mula sa mga magsasaka at matiyak na may tamang supply ng bigas ang bansa, ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Inilabas ni Escudero ang pahayag sa kabila ng tumitinding panawagan na tuluyan nang buwagin ang ahensiya.
Aniya, hindi kakasya ang ₱8.5 bilyong budget ng NFA para makabili ng palay mula sa mga magsasaka sa mas mataas na presyo at maibenta naman ito sa publiko sa abot-kayang halaga.
Ayon pa kay Escudero, ang panawagang buwagin ang NFA ay nagpapatunay lamang na naging “inutil” na ang ahensiya sa pagtupad ng mandato nito dahil umaasa na lamang sa importasyon ng bigas imbes na palakasin ang rice production sa bansa.
Nauna nang binatikos ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura ang nagaganap na negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at rice exporting countries tulad ng Vietnam at India, para sa posibleng pag-aangkat ng bigas.
Samantala, pabor naman si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel Jr. sa pagbuwag sa NFA dahil hindi na nito nagagampanan ang misyon nito.
“If NFA is filling up its buffer stock with imported rice then NFA had a lot of explaining to do… Also, in the meantime, the NFA should make sure that its stock, especially its oldest stocks, is still fit for satisfying human consumption,” ani Pimentel.