Pinangunahan nina Sen. Francis Tolentino at Sen. Robinhood Padilla ang pagsasagawa ng reenactment sa ginawang pagtakas ni Michael Catarroja mula sa maximum-security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City noong Hulyo 7.
Personal na nagsagawa ng ocular inspection nina Tolentino, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, at Padilla, sa NBP upang personal na malaman kung paano nakaeskapo ni Catarroja sa pangunahing jail facility sa bansa na hindi natiktikan ng sandamakmak na jail guards na naka-assign doon.
“Parang Hollywood ito. Parang sine,” pahayag ni Tolentino matapos ang reenactment.
Ayon sa senador, pakay nila na malaman kung nagsasabi si Catarroja ng katotohanan nang ito ay “misteryosong” naglaho sa NBP na naging mitsa ng iba’t ibang ispekulasyon gaya nang maling impormasyon na isinilid ang kanyang katawan sa isang septic tank sa loob ng pasilidad.
Mismong sina Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla at Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Catapang ay nakuryente hinggil sa maling septic tank discovery kung saan lumitaw sa imbestigasyon na mga buto ng manok ang isinilid doon, at hindi sa tao.
“Hindi nagja-jibe yun motibo n’ya (Catarroja) sa risk na ginawa n’ya,” giit ni Tolentino.
Sa isinagawang reenactment, ipinakita ni Catarroja kung paano niya isiniksik ang kanyang sarili sa maliit na compartment sa ilalim ng truck ng basura sa kanyang pagtakas na pinagdudahan ni Tolentino. “Masyadong mainit at masikip dun sa ilalim ng truck parang imposibleng natiis nya lahat yun,” aniya.
Binigyang diin din ng mambabatas na maraming inconsistencies ang mga pahayag ni Catarroja sa isinasagawang imbestigasyon tulad nang unang sinabi nito na “bored” lang siya dahil walang dalaw kaya siya nagdesisyon tumakas.
Sinabi ni Tolentino na ang sunod na pahayag ni Catarroja ay mayroon banta sa kanyang buhay kaya minarapat na lang niyang umeskapo.