Dahil sa paglakas ng hanging Habagat, asahan nang magdadala ito ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical and Services Administration (Pagasa) ngayong Martes, Agosto 22.
Ani Pagasa Weather Specialist Grace Castañeda, may ilang bahagi na ng Metro Manila ang nakaranas ng pag-ulan dahil sa pagtindi ng habagat.
Makararanas din ng maulap na papawirin, na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang Visayas, Mindanao, MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan), Bataan, Zambales, Cavite at Batangas dulot ng Habagat, ayon kay Castañeda.
Samantala, magiging bahagyang maulap ang papawirin sa nalalabing bahagi ng Luzon na magdudulot ng panaka-nakang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat, bunsod pa rin ng Habagat. May ilang lugar din ang makararanas ng tinatawag na “localized thunderstorms,” ayon pa sa weather specialist.