Nasa bansa ngayon ang pinakamalaking warship ng Australia upang makapagsabayan sa puwersa ng Pilipinas at United States sa pagsasagawa ng joint military drills sa South China Sea sa gitna ng namumuong tension sa lugar bunsod ng panghihimasok ng Chinese vessels.
Base sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), mahigit 2,000 sundalo mula sa Australia at Pilipinas ang nakikibahagi sa joint military exercise “Alon” kasama ang 150 tauhan ng US Marines na nagsimula noong Agosto 14 at tatagal hanggang Agosto 31.
Ang simulated air assault ay inumpisahan ngayong Lunes sa karagatan ng Palawan na may layong 200km sa pinagaagawang Spratlys Islands.
“Like the Philippines, Australia wants a peaceful, stable and prosperous region which respects sovereignty and which is guided by rules-based order,” pahayag ni Hae Kyong Yu, Australia’s ambassador to Manila.
Ang HMAS Canberra ng Australia ay isa sa malalaking warships na nakikibahagi sa Exercise Alon.
“Those ships have come from Talisman Sabre (exercises in Australia), and everyone is on their way home. It’s very normal for us to train in company with partners when we proceed to and from exercises,” ayon kay Capt. Phillipa Hay, commander ng Australian Amphibious Task Force.
Ito ang unang pagkakataon na nakabilang ang Australian Defense Force (ADF) sa unang major training exercises sa Pilipinas kasama ang mga tauhan ng AFP bilang bahagi ng mga aktibidad ng Australia sa isinusulong nitong Indo-Pacific Endeavour (IPE).