Muling nanawagan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga taxi operators para itaas ng P30 ang flagdown rate ngayong sunud-sunod na naman ang pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
“Ang meron kaming naka-file is a motion for reconsideration kasi nga ‘yung original na petition namin ay hindi naman grinant ng LTFRB,” sinabi ni Bong Suntay, pangulo ng Philippine National Taxi Operators Association, sa isang TV interview nitong Linggo, Agosto 20.
Aniya, ang flagdown rate ngayon na P40 ay ipinatupad noon pang 2017, kung kailan wala pang P40 ang kada litro ng gasolina.
“Noong 2017, ang presyo ng gasolina was P38. Ang presyo ngayon ng gasolina ay ₱67,” pagkukumpara ni Suntay.
Sinabi ni Suntay na noong nakaraang taon pa nila hinihiling ang P30 dagdag sa flagdown rate, pero “insulto” na P5 lang daw ang pinagbigyan ng LTFRB.
“Nag-grant sila ng additional P5 pero insulto lang ‘yun sa industriya namin. Baka sabihin nila, ‘di ba na-grant na namin, so hindi na lang namin in-avail,” paliwanag ni Suntay.
Bukas, Martes, Agosto 22, ay ipatutupad ng mga kumpanya ng langis ang panibagong oil price hike, ang ikapitong sunod na lingguhang taas-presyo sa petrolyo simula Hulyo 17.