Tatlong beses na mataas kaysa karaniwan ang antas ng pagtaas ng tubig sa karagatan (sea level) sa palibot ng Metro Manila kung kaya dapat na umaksiyon ang gobyerno para maiwasan ang malawakang pagbaha na nagiging perwisyo sa mga residente sa lugar.
Ito ang ibinunyag ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) Physical Oceanography Division sa ulat nito sa Coastal Engineering Summit na idinaos sa Mariano Marcos State University sa Batac City, Ilocos Norte kamakailan.
Batay sa naging pag-aaral ng NAMRIA, tumataas ang antas ng karagatan sa NCR nang 8.4mm taun-taon, mula 1901 hanggang 2022, o halos tatlong beses na mas mataas kumpara sa global average na 3.4mm kada taon sa parehong panahon.
Kahit hindi kasama ang tinatawag na “gap years,” o mga taong walang makuhang datos (mula 1901 – 1946) tungkol dito, sinabi ng NAMRIA na tumaas ang antas ng tubig sa Metro Manila nang 13.2mm kada taon.
Kung kukuwentahin naman ang datos mula 1965 – 1922, kung saan naging mabilis ang urbanisasyon ng rehiyon, pumapatak na ang kabuuang antas ng itinaas ng lebel ng tubig sa Kamaynilaan ay nasa 14.2mm kada taon.
Paliwanag ni NAMRIA Physical Oceanography Division chief Dennis Bringas, ang nangyayaring pagtaas ng lebel ng tubig sa Metro Manila ay bunga ng tinatawag na coupling effect–o ang dahan-dahang pagbaba ng antas ng lupa kumpara sa antas ng tubig na pumapalibot dito.
Sa kaso ng Metro Manila, Sinabi ni Bringas na malaki ang kinalaman ng aktibidad ng mga tao gaya ng reklamasyon, pagkawala ng mga kagubatan, at labis na pagsipsip sa tubig sa ilalim ng lupa (groundwater) sa pagtaas ng tubig sa rehiyon.
Paglilinaw naman ni Bringas, napakaaga pa para sabihing mas patitindihin pa ng nakabinbing reclamation projects sa Manila Bay ang pagtaas ng antas ng katubigan sa Metro Manila.