Sumipa ang foreign travel expenses sa ilalim ng Office of the President (OP) noong 2022, ayon sa Commission on Audit (COA).
Ayon sa COA, tumaas ng ₱367,052,245.96, o ₱392.3 milyon sa kabuuan, ang gastos ng Tanggapan ng Pangulo noong 2022, kumpara sa ₱25 milyon lamang noong 2021, sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ay bunsod ng sunud-sunod na pagdalo sa mga international summit at state visits na ginawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Singapore, Indonesia, Estados Unidos, America, Cambodia, Thailand, at Belgium.
Matatandaang sinabi ni Marcos sa unang mga buwan ng pagkakaluklok nito bilang pangulo na kailangan niyang mag-abroad ng mas madalas dahil kailangan niyang magpakilala sa ibang bansa at para kumalap na rin ng foreign investments upang lumago ang ekonomiya.
Kung sumipa ang foreign travel expenses ng Pangulo, sinabi naman ng COA na bahagyang bumaba ang gastos ng OP pagdating sa kanyang domestic travels.
Batay sa ulat ng COA, mula sa ₱11.5 milyon noong 2021, nasa ₱10.7 milyon na lamang ang gastos ng Pangulo sa paglilibot nito sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Samantala, nananatili namang nakapako sa ₱4.5 bilyon ang pinagsamang confidential at intelligence funds ng punong ehekutibo ngayong taon.