Nanawagan si dating Davao del Norte congressman Pantaleon Alvarez sa mga kapwa kongresista na linawin ang kanilang naging batayan sa pagpapatalsik kay Arnolfo “Arnie” Teves Jr. bilang miyembro ng Kamara.
“I am doing this on behalf of the members of the House now and in the future dahil (because) this precedent is very dangerous,” ani Alvarez sa panayam sa kaniya ng The Source ng CNN Philippines noong Biyernes, Agosto 18.
“Paano na lang let’s say kung gusto ng leadership na tanggalin ka sa House of Representatives, magi-imbento sila ng mga instances sabihin nila grave reasons ‘yan enough to expel a member,” ani Alvarez.
Ayon pa kay Alvarez, niyanig ng umano’y ura-uradang pagpapatalsik kay Teves ang pinakapundasyon ng demokrasya at pagka-republika ng Pilipinas, dahil nabakante ang isang upuan sa Kamara.
Samantala, nilinaw naman ni House Ethics Committee vice chairperson Ria Vergara na ang tunay na batayan ng pagkakasipa kay Teves sa Kamara ay ang matagal na pagliban sa mga sesyon at pag-abandona nito sa kaniyang tungkulin bilang isang mambabatas.
Dagdag ni Vergara, walang kinalaman dito ang sinasabing “‘di kanais-nais” na post nito sa social media at pagkakabansag sa kaniya bilang “Terrorist” ng Anti-Terrorism Council.
Sa kabilang banda, sinabi naman ng Commission on Elections (Comelec) na nasa desisyon na ng Kamara de Representantes kung magpapatawag ito ng special elections para punan ang nabakanteng puwesto ni Teves, isa sa pangunahing suspek sa pagpatay kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4, 2023.