Tatlong tripulante ang nalapnos matapos na masunog bago tuluyang lumubog ang speedboat na kanilang sinasakyan sa karagatang malapit sa isang pantalan sa Zamboanga City.
Agad namang nasagip ang mga biktima at nabigyan ng paunang-lunas sa Coast Guard Medical Clinic- Southwestern Mindanao.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), naganap ang insidente bandang alas-2:00 ng hapon.
Napag-alaman na ang mga biktima ay lulan ng speedboat na FADI LAMINUSA EXPRESS na galing sa Tres Marias, Baliwasan Seaside sa Zamboanga City.
Magsasagawa sana ng sea trial ang speed boat nang mapansin ng isa sa mga tripulante na nagliliyab ang fuel tank at battery ng nito kung kaya’t agad silang humingi ng tulong sa PCG.
Naapula ang apoy bandang alas-3:30 ng hapon at nagasagip ang mga sakay nito bago pa lumubog ang speedboat may 300 metro ang layo sa Barangay Mariki, Zamboanga City.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang madetermina ang pinagmulan ng sunog.
-Baronesa Reyes