Hindi na bago sa ating lahat na makasaksi ng balitaktakan ng mga mambabatas hinggil sa mga sensitibong isyu na kanilang tinatalakay upang makagawa ng batas para, ayon sa kanila, mapabuti ang ating buhay.
Pero kadalasan, sa Kongreso man o Senado, nakakadiskubre tayo ng isang mambabatas na kung hindi matalino at matalas sa kanyang mga argumento, mayroong ding iba na sablay ang mga pinagsasabi.
Sabi nga ng ilang political analysts, yan ay normal na bahagi ng pang-araw araw na aktibidad ng ating mga iniluklok sa lehislatura.
Mas nakagugulat (o nakamamangha) kapag ang diskusyunan ay nagiging emosyonal na kahit sino ang tumayong moderator, o “referee,” na tatawag ng “time out” ay ’tila wala pa ring magpapaawat.
Tulad ng nangyari sa pagdinig sa Senado kamakailan kung saan ang usapin ay ang Rice Tariffication Law. Sa video na ito makikita ang mainitang argumento nina Sen. Cynthia Villar at Sen. Raffy Tulfo na maituturing nating salpukan ng beterano at bagitong mambabatas.
Hindi rin maitatago ang boses ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na hinataw pa ang gavel kasabay ng hiling ng “one-minute” recess para bawasan ang tensiyon sa pagitan ng dalawang senador. Subalit dedma pa rin sila Villar at Tulfo.
Kitang-kita rin sa video ang matalas na tingin habang nanggagalaiti sa isa’t isa, lalo na yun napadpad ang usapan sa panukalang National Land Use Act. Oh ‘di ba?
Ang aming payo: Kumuha muna ng popcorn at softdrinks bago manood: