Naglabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 15 ng temporary restraining order na nagpapatigil sa produksiyon ng 5.2 milyong plastic driver’s license card ng Land Transportation Office (LTO).
Ito ay matapos maghain ng reklamong “unfair bidding” ang kontratistang AllCard Inc. laban sa Banner Plasticard, ang nanalong bidder para sa production ng LTO license cards.
Ayon sa AllCard, nagkaroon umano ng “grave abuse of discretion” sa hanay ng Department of Transportation (DOTr) nang hadlangan ng kagawaran na makasali ito sa bidding para sa P240 milyong proyekto sa kabila na ito ang alok ng lowest bid na P176.8 milyon.
Subalit lumitaw sa post-qualification evaluation report ng DOTr Bids and Awards Committee, marami na umanong naantalang proyekto ang AllCard sa Social Security System (SSS) at Land Bank of the Philippines kaya ito ang naging dahilan sa kanilang disqualification.
“This is a temporary setback,” pahayag ni LTO chief Vigor Mendoza II.
Dahil sa inilabas na temporary restraining order ng korte, sinabi ni Mendoza na mapipilitan ang ahensiya na palawigin ang validity ng mga driver’s license – maging plastic card man o nasa papel – hanggang hindi nareresolba ang isyu.
Sinabi pa ni Mendoza na umabot na sa 100,000 plastice LTO license cards ang nai-deliver na sa mga motorista simula Hulyo at target sana nilang tuldukan ang 1.7-million shortage sa pagtatapos ng 2023 kung hindi nangyari ang pinakahuling aberya.