Halos anim sa 10 Pilipino ang pabor na mas palawakin pa ang military cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos para maresolba ang isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na isinagawa noong Hulyo 22-26, sinasabing 54 porsiyento ng mga Pilipino ang pabor na patatagin at palawakin pa ang ugnayang militar ng Pilipinas at US upang masolusyunan ang iringan sa teritoryo sa WPS sa pagitan ng bansa at ng People’s Republic of China (PRC).
Ayon pa rin sa naturang survey, 11 porsiyento lamang ang hindi pabor sa konsepto samantalang 32 porsiyento ang hindi naman makapagdesisyon hinggil sa konsepto ng mas malawak at pinaigting na ugnayang militar ng Pilipinas at US.
Sa punto naman ng rehiyon, 56 porsiyento ng respondents sa Balance Luzon ang pabor sa nasabing konsepto samantalang 59 porsiyento naman ay mula sa Mindanao. Nasa 46 porsiyento naman ng mga taga-National Capital Region (NCR) ang pabor sa nasabing hakbang.
Samantala, kung pag-uusapan ang pagpapalakas ng ugnayang militar ng US at Pilipinas para harapin ang posibleng external threat sa bansa, 58 porsiyento ng mga respondent ang pabor dito.