Ipinagutos ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa Bureau of Fire Protection (BFP) na higpitan ang rules and guidelines sa pagbibigay ng akreditasyon sa mga volunteer fire brigade matapos araruhin ng isang fire truck ang mga residente sa Tondo, Manila noong Lunes, Agosto 14.
Isang 62-anyos na babae ang nasawi habang walong iba pa ang sugatan matapos salpukin ng isang volunteer fire truck ang mga residente sa kasagsagan ng sunog sa lugar.
“Ang sabi ko kay Chief ay i-review nang maayos ang present guidelines sa accreditation, lalo na ang qualification ng drivers (no record on reckless driving, accidents, use of drugs, etc). Dahil nga ‘pag may emergency, mabilis ang takbo ng mga sasakyan at baka makaaksidente,” pahayag ni Abalos.
“If it is possible, dapat may seminar at exams sa emergency driving. Ang importante ay i-review nang maayos ang present guidelines,” dagdag niya.
Iginiit ng kalihim na dapat sumailalim sa drug test at neuropsychiatric exam ang mga volunteer fire truck driver para masiguro na sila ay makakaresponde ng maayos at ligtas tuwing may emergency.
Nakilala ang driver ng volunteer fire truck na si Rodolfo Pineda, 27, na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya habang nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries at damage to property.
Ani Abalos, dapat din tiyakin ng BFP na nasa kundisyon at maayos ang operasyon ng mga fire trucks at regular na sumasailalim sa training sa fire prevention at fire suppression ang mga tauhan ng volunteer brigades.
Nangako naman ang DILG chief na magbibigay ito ng kaukulang tulong sa mga biktima ng aksidente na kinasangkutan ni Pineda.