Pinabibilisan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang pagtatayo ng mga pasilidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na karamihan ay pinondohan ng US government.
“Kailangang tayuan ito [ng mga pasilidad], nasa Saligang Batas ito. ‘Wag tayong papayag na pagapang sila (Chinese) sila nang pagapang papalapit ng Pilipinas,” pahaya ng Defense Secretary kasabay ng pagdalaw nito sa Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela at Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Kabilang ang pagtatayo ng EDCA sites sa paghahanda sa pagpapalakas ng kapabilidad ng Pilipinas na depensahan ang sarili sa harap ng tensiyon sa pagitan ng bansa at ng People’s Republic of China, kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea.
Dismayado rin si Teodoro sa insidente ng pambobomba ng Tsina ng water cannon sa puwersa ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines sa Ayungin Shoal.
Sinang-ayunan din ni Teodoro ang pahayag ni PCG Spokesperson Commodore Jay Tarriela na traydor ang mga Pilipinong kumakampi at nagpapakalat diumano ng propagandang pabor sa China.
Pero paliwanag naman ng Defense secretary, wala namang balak ang gobyerno na pigilan ang pagpapakalat ng pro-Chinese propaganda sa bansa dahil wala naman tayong censorship gaya nang ipinaiiral ng Beijing, pagdating sa anti-government protests.