Naniniwala si Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na posibleng malaki ang magiging epekto kung ibo-boycott ng mga Pinoy ang Chinese companies sa bansa bunsod ng naganap na pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa Ayungin shoal.

Ayon kay Diokno, dapat pagaaralan munang mabuti ng gobyerno bago ito magdesisyon sa mga panawagan na tigilan na ang pagtangkilik sa mga Chinese products at services. Ang panawagang i-boycott ang China ay sinimulan ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

“Potential impact on the economy for possible delays in the projects that will be affected and of course we have to shift to the financing for those projects that have been requested from China,” pahayag ni Diokno nitong Miyerkules, Agosto 16.

Sinabi ng kalihim na karamihan sa malaking projektong pang-imprastraktura na madidiskaril sa panawagang i-boycott ang China ay pinondohan ng Asian Development Bank (ADB), Asian Infrastructure Investment Bank, at World Bank.

Matatandaan na ibinulgar ng US Embassy na ilan sa mga nagkukumpuni ng Manila Bay reclamation projects ay mga Chinese contractors na blacklisted din umano ng ADB at World Bank dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang transaksiyon sa ibang projects.

Mismong US Embassy rin ang umapela sa gobyerno ng Pilipinas na itigil ang reclamation projects sa Manila Bay dahil sa isyu ng kalikasan at seguridad sa bansa matapos akusahan ang mga Chinese contractors na nasa likod ng umano’y kuwestiyunableng pagkukumpuni ng Chinese military station sa pinagaagawang Spratlys Islands.

Bukod sa maaantala ang mga proyektong imprastraktura, sinabi ni Diokno na kakailanganin ding ang restructuring ng loans para sa mga ito kung sakaling ipatupad ang boycott laban sa Chinese contractors.

.