Inihain ni Sen. Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 763 noong Agosto 16, para hikayatin ang Mataas na Kapulungan na imbestigahan ang pagkamatay ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar na biktima ng mistaken identity.
Ani Hontiveros, bagaman sinibak na sa puwesto ang hepe ng Navotas Police Station at iba pang pulis na sinasabing sangkot sa naturang krimen, ang kasong reckless imprudence resulting in homicide na isinampa laban sa mga pulis na nagsagawa ng operasyon at kasong administratibo laban kay P/Col. Allan Umipig ay maaaring maging mitsa ng pagdududa ng publiko hinggil sa “transparency” at “accountability” ng mga isinasangkot sa insidente.
Importante rin, ayon sa mambabatas, ang pagbibigay katiyakan sa pamilya ng biktima na makakamit nila ang hustisya.
Ang anim na pulis-Navotas na inuugnay sa palpak na police operation ay sina Executive M/Sgt. Roberto Balais Jr.; Police Staff Sergeants Antonio Bugayong Jr., Gerry Maliban at Nikko Pines Esquilon; P/Cpl. Edmar Jake Blanco; at Patrolman Benedict Mangada.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ayon sa isang desisyon ng Korte Suprema, ang “shoot now, think later” na disposisyon ng ilang miyembro ng pulisya ay walang puwang sa isang sibilisadong lipunan.
Ayon sa naturang resolusyon, mahalagang matingnan ng Senado ang ukol sa pagpapatupad ng batas at proseso sa police operations at maging ang pananagutan ng pulisya sa ganitong mga pangyayari.