Binigyan na ng “go-signal” ng Toll Regulatory Board (TRB) ang dalawang tollway operators – Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) at San Miguel Corp. (SMC) – na magsagawa ng dry-run na tatagal ng dalawang buwan bilang paghahanda sa pagpapatupad ng 100 percent cashless toll transactions sa kani-kanilang pasilidad.
Ayon sa TRB, ang resulta ng dry-run na magsisimula sa Setyembre 1 at magtatapos sa Oktubre 31 ng kasalukuyang taon ay ang kanilang pagbabasehan kung handa na ang MPTC at SMC na ganap na ipatupad ang cashless-only toll plazas at hindi maging abala sa mga motorista.
Kasagsagan ng pandemya noong Nobyembre 2020 nang unang tinangka na ipatupad ang 100% cashless tollway transaksiyon na hindi lang nagdulot ng kalituhan sa mga motorista ngunit naging sanhi ng matinding traffic sa mga toll plazas.
Ang pagpapatupad ng 100% cashless tollway transaction ay base sa Department Order No. 2020-012 na inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) noong Agosto 13, 2020.
Matapos ang isinagawang audit ng TRB sa mga electronic toll collection system, sinabi ng MPTC na pasado ang kanilang mga gamit sa aspeto ng readibility rate, 98%; account management sa real time transmission ng datos; saktong pagsingil ng toll fee; at maging pag-update ng account balance ng mga motorista.
“We encourage all tollway users to make the shift from cash to RFID for a streamlined journey. Existing RFID holders are advised to ensure their stickers are in good condition and adequately loaded before embarking on their travels,” pahayag ng MPTC.
“We support the DOTr’s and the TRB’s move to make toll collection purely cashless. We believe this move will significantly reduce traffic congestion and waiting times at toll plazas and contribute to a smoother and safer travel experience,” pahayag naman ni SMC president at CEO Ramon S Ang.
“Our teams are already installing and calibrating RFID scanners and related equipment. We will do everything necessary to ensure that the implementation will go smoothly. If in the course of the dry run period any adjustments have to be made, we will also be ready,” dagdag ni Ang.
Sa ilalim ng dry run ng inaprubahan ng TRB, tanging ang mga sasakyan na may aktibong Autosweep RFID account ang maaaring gumamit ng SMC-owned tollways na kinabibilangan ng South Luzon Expressway (SLEX) Southern Tagalog Arterial Road (STAR), Skyway at-grade at Skyway 1,2,3; the NAIA Expressway, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).